KORONADAL CITY – Nagtanim na ng sama ng loob ang ilang mga kaanak ng mga biktima ng Maguindanao massacre dahil sa mailap na pagkamit ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jan Chienne Maravilla, kasabay ng ika-10 taong anibersaryo ng Maguindanao massacre na kilala ring Ampatuan massacre, dismayado aniya sila sa hindi na mabuting justice system sa Pilipinas.
Matapos pinaboran ng korte ang pagpapaliban sa promulgasyon ng kaso, naniniwala silang may bahid ng korupsyon umano at pera-pera na lamang ang pagkamit ng hustisya sa bansa.
Kumpiyansa silang sapat ang mga ebidensiya na iprinisenta ngunit iginiit nitong ayaw nila ng partial conviction sa nasabing kaso.
Sa ngayon ipinapaubaya na lamang daw nila sa Diyos ang pagkamit ng hustisya dahil unti-unti na silang nawawalan ng tiwala sa sistema ng hustisya sa bansa.