NAGA CITY- Patay ang isang magsasaka matapos na magpatiwakal sa Brgy. Dahican, Catanauan, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Amelene Resurreccion Edra, 37-anyos, residente ng naturang lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na personal na pumunta sa himpilan nang Catanauan Municipal Police Office ang kapatid ng biktima na si Arlene Marquez upang ireport ang nasabing insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad nabatid na pasado alas-3:45 ng hapon nang dumating ang anak ng biktima at dito na nga umano nakita nito ang kanyang ina na nakabitay sa loob ng kanilang comfort room. Agad namang itong humingi ng tulong upang maibaba ang katawan ni Amelene.
Dahil naman sa naturang insidente nagtamo ng sugat sa may leeg ang biktima na naging dahilan naman sa pagkamatay nito.
Sinubukan pa namang dalhin sa ospital ang biktima pero ideneklara ring dead on arrival ng mga doktor.
Samantala, ayon naman sa mga kapamilya ng biktima, nakakaranas umano ng depresyon si Amelene dahil naman sa pagkamatay nang asawa nito.