CAUAYAN CITY- Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Echague Police Station upang matukoy ang tsuper ng sasakyang naka-hit and run sa isang magsasaka na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Ang biktima ay si Jerry Pacion Tomas, 50 anyos , may-asawa at residente ng Pangal Norte, Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMajor Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station na lumabas sa kanilang pagsisiyasat na bago ang aksidente ay nakipag-inuman ang biktima sa isang tindahan sa tabi ng barangay hall sa gilid ng kalsada
Napagpasyahan na ng biktima at kasama nito na umuwi ngunit umihi sa gilid ng daan si Tomas at nagulat ang kasama nito nang makitang nabangga ng itim na Toyota Vios habang tumatawid sa kalsada.
Mabilis ang takbo ng sasakyan na naging dahilan para tumilapon ng lima hanggang anim na metro mula sa lugar kung saan nabangga ang biktima bago nahulog sa isang irrigation canal.
Dinala sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Sa lakas ng impact ay may naiwang debris ng bumper ng sasakyan.
Nanagawan ang hepe ng pulisya na sinumang tsuper ng sasakyan na nakabangga sa biktima na mas makakabuting sumuko na sa mga awtoridad.