CAUAYAN CITY– Dinakip ng mga kasapi ng Aglipay Police Station ang isang magsasaka sa Purok 5, Dagupan, Aglipay, Quirino matapos isilbi ang search warrant sa kanyang bahay at masamsam ang isang baril at mga bala.
Ang dinakip ay si Willy Ordones, 58 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station, sinabi niya na nag-ugat ito sa report ng isang concerned citizen na nakakita kay Ordones na may dala-dalang baril tuwing siya ay nagtutungo sa kanyang bukid.
Dahil dito nag-apply sila ng search warrant sa RTC, Branch 31, Cabarroguis, Quirino sa sala ni Judge Andrew Dulnuan.
Bukod dito ay ipinaberipika rin nila sa firearms and explosives division sa Camp Crame at lumalabas na walang kaukulang papeles si Ordones na magtago ng baril sa kanilang bahay.
Nakuha sa bahay ni Ordones pangunahin na sa kuwarto nilang mag-asawa ang isang Cal. 38 revolver, isang pistol holster at anim na bala ng Cal. 38.
Hindi naman aniya nanlaban si Ordones at agad inamin na mayroon siyang baril na itinatago.
Ayon sa suspek, proteksyon niya lamang ang baril kapag ginagabi siya sa kanyang bukid.
Nasa pangangalaga na ng Aglipay Police Station ang pinaghihinalaan na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).