CAUAYAN CITY – Binaril ng 16 na beses ang isang magsasaka sa harapan ng kanyang pamilya sa Sitio Gutgutao, Villabuena,Sta. Maria, isabela.

Ang biktima sa brutal na krimen ay si Michael Julian, 28-anyos, may-asawa, magsasaka at residente rin sa nabanggit na barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Master Sgt. Helmo David Furuc, imbestigador ng Santa Maria Police Station na natutulog ang biktima kasama ang kanyang live-in partner na si Gemma Canceran at dalawa nilang anak na edad lima at tatlo nang pasukin sila ng dalawang armadong lalaki na may takip ang mga mukha.

Batay umano sa pahayag ni Canceran, pinagbabaril ang kanyang kinakasama sa harapan nilang mag-iina.

Lumabas sa post mortem examination ng doctor na nagtamo ng 16 na tama ng bala ng baril ang biktima.

Sinabi ni PMSgt Furuc na posibleng may matinding galit ang mga suspek kay Julian.

Nakarecover ng Scene of the Crime Operative (SOCO) ang maraming basyo ng Caliber 45 sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Sta. Maria Police Station para matukoy ang motibo at dalawang suspek sa pagpaslang sa biktima.