-- Advertisements --

Naglabas ng tsunami warning ang Indonesia’s Meteorology, Climatology and Geophysics Agency (BMKG) matapos ang isang malakas na lindol na may lakas na Magnitude 7.6 na yumanig malapit sa baybayin ng Melonguane, North Sulawesi bandang alas-8:43 ng umaga (Jakarta time) nitong Biyernes, Oktubre 10, 2025.

Ayon sa BMKG, ang epicenter ng lindol ay may lalim na 56 kilometro, at agad silang naglabas ng paunang abiso sa tsunami para sa North Sulawesi at mga kalapit na bahagi ng Papua.

Binanggit ng ahensya na ang paunang impormasyon ay batay sa mabilisang datos at maaari pang magbago habang isinasagawa ang mas malalim na pagsusuri.

Pinayuhan ng pamahalaan ang mga residente sa mga baybaying lugar na maging alerto at sundin ang mga opisyal na abiso mula sa mga awtoridad habang patuloy ang monitoring sa posibleng pagbabago ng taas ng lebel ng tubig-dagat at aftershocks.

Kagaya sa Pilipinas matatagpuan din ang Indonesia sa Pacific Ring of Fire, kung saan madalas maganap ang mga lindol at pagputok ng bulkan dahil sa banggaan ng mga tectonic plates.