GENERAL SANTOS CITY – Nauwi sa trahedya ang sana’y masayang pagdiriwang ng isang pamilya ng isang kaarawan matapos na nasawi sa pagkakalunod ang magkapatid sa isang beach resort sa bayan ng Alabel, Sarangani Province.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo, kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Melvin Pacure, 21, at ang nakababatang kapatid nito na si Ruel Pacure, Jr., 19, kapwa residente ng Brgy. Landan, Polomolok, South Cotabato.

Pauwi na raw sana ang magpamilya pero may dalawang kaanak silang naligo pa sa dagat pero bigla na lang silang humingi ng tulong.

Sinubukan umanong sagipin ni Ruel ang mga pinsan, pero napulikat ito.

Nakita naman ng kuya nitong si Melvin ang kapatid, kaya sinubukan nyang sagipin.

Unang nahanap ang bangkay ni Melvin at kinabukasan na nang mahanap ng isang residente sa Lun Padido, kalapit na barangay ng Kawas ang katawan ni Ruel.

Labis na naman ang paghihinagpis ng pamilya sa pagkasawi ng magkapatid.