ILOILO CITY – Inireklamo ng pambubugbog ang magkapatid na pulis na assigned sa Pototon Municipal Police Station sa Iloilo matapos pinagtulungan umanong bugbugin ang isang suspek sa kasong attempted murder.

Ang inireklamong mga pulis ay sina Staff Sergeant Erwin Acosta at ang nakababatang kapatid na si Staff Sergeant Ravelo Acosta.

Sa reklamo ng isang Emmanuel Adoracion, 26-anyos na residente ng Primitivo Ledesma Ward, Pototan sa Iloilo, sinabi nito na dalawang beses siyang sinuntok sa tiyan ng magkapatid na pulis nang inaresto siya ng mga ito dahil sa tangkang pananaksak kay Donnil John Peñaflorida, 24, ng perehong lugar.

Nangyari ang tangkang pananaksak nang nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng mag-kapitbahay na sina Adoracion at Peñaflorida sa nasabi ring lugar .

Ayon kay Adoracion, matapos siyang hinuli ay pinasakay siya sa patrol car at patuloy na binubugbog.

Pinabulaanan naman ng magkapatid na pulis ang akusasyon laban sa kanila.

Anila, kinailangan nilang puwersahin ang suspek dahil nagmamatigas na sumama sa kanila ngunit hindi nila ito binugbog.

Sa ngayon, inaayos na ng pamilya ni Adoracion sa National Police Commission ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa magkapatid na Acosta.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here