CAUAYAN CITY – Nasawi ang magkapatid na bata matapos malunod sa Burgos, Ramon, Isabela.
Ang mga biktima ay sina Marianne Contawe, 9-anyos, may kapansanan at Supremo Contawe, 5-anyos na residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Brgy. Kapitan Bernard Santiago ng Burgos, Ramon Isabela, nalunod ang mga biktima sa halos dalawang metrong lalim ng hukay na paglalagyan ng haligi ng gagawing warehouse.
Dahil weekend ay umuwi ang mga trabahador kaya walang taong nagbabantay sa construction site.
Napuno ito ng tubig dahil sa malakas na pag-ulan noong araw ng Sabado at nang napadaan sa lugar ang dalawang biktima galing sa isang pagdiriwang ng kaarawan ay maaring nagkasundo silang maligo sa butas na napuno ng tubig at naging sanhi naman ito ng kanilang pagkalunod.
Matapos na hindi na makauwi ang dalawang bata ay hinanap na sila ng kanilang mga kapamilya.
Nakita ang mga bata matapos na mapansin ni barangay Kapitan Santiago na may lumutang na tsinelas sa nasabing butas at nang sisirin ay natagpuan ang kanilang bangkay.
Ayon kay Kapitan Santiago nakausap na niya ang may-ari ng ginagawang warehouse upang tumulong sa mga magulang ng magkapatid.