-- Advertisements --

Patay ang mag-ina matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa pampasaherong bus kahapon ng umaga sa Barangay Minolos, bayan ng Barili, Cebu.

Kinilala ang mga biktima na sina Bb Maambong, 24 anyos at ina nitong si Nancy Maambong, 51 anyos at parehong residente ng Santa Lucia sa bayan ng Asturias, Cebu.

Sa isang eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Police Staff Sergeant Carlos Dicdican, imbestigador ng Barili Municipal Police station, sinabi nitong patungo sa bayan ng Moalboal ang mga biktima habang ang bus ay patungo sa kabilang direksyon.

Batay pa sa kanilang inisyal na imbestigasyon, pumasok sa kabilang lane ang motorsiklo at doon na nangyari ang banggaan.

Dahil sa lakas ng impact, wasak ang harapang bahagi ng bus at ang motorsiklo.

Naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawa ngunit dahil sa natamong lubhang pinsala sa ulo ay binawian na ito ng buhay.

Inihayag ni Dicdican na aalamin din nila kung may kapabayaan ba ang bus driver sa nangyaring aksidente.

Hindi rin naman umano willing na magsampa ng reklamo ang mga kamag-anak ng biktima at ang gusto lang ng mga ito’y matulungan sa mga gastusin sa pagpapalibing ng mga ito.