Nanawagan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na kung maaari ay mag-ipon ng pera sa pamamagitan ng formal accounts sa halip na pagtatago sa kanilang bahay.
Paliwanag ni BSP Governor Benjamin Diokno, kung palagi kasi nakatago sa bahay ang mga pera at coins hindi na makakaikot ang pera sa sirkulasyon para sa paggamit sana ng mga bayarin.
Inihalimbawa na lamang ng BSP ang pag-iipon ng mga coins sa mga containers o alkansiya, o lalagyan sa mga barrels, plastic bottles, at cabinets, na kung minsan ay nagdudulot umano ng artificial shortage sa sirkulasyon.
Kung mangyari raw ito, gumagawa raw ng dagdag na pera ang BSP para pataasin ang dami ng mga salaping pera o kaya ng mga coins na nasa sirkulasyon.
Ang ganitong hakbang ay nagdudulot aniya ng dagdag na gastos sa production costs ng paggawa ng bagong pera.
Ayon pa sa BSP, mas mabuting gawin na lamang daw ng publiko ay mag-ipon sa pamamagitan nang pagdedeposito sa mga formal accounts hindi lamang sa mga bangko, kundi may pagpipilian din sa mga e-money issuers, microfinance institutions, cooperatives, at mga non-stock savings at loan associations.
Tiniyak pa ni Gov. Diokno na ang mga pinaghirapang naipong pera ng mamamayan ay maaalagaan sa mga formal accounts at matitiyak din ang kaligtasan dahil ang mga bangko ay nasa ilalim sila ng mga regulasyon ng BSP.
Liban nito, meron pang mga interes sa pagdaan ng panahon at insured sa Philippine Deposit Insurance Corporation.