ILOILO CITY – Nagpalabas ng Executive Order si Mayor Carlos Cabangal ng Banate, Iloilo, upang pansamantala munang ipatigil ang negosyo ng tatlong Chinese na kakauwi lamang sa pagbakasyon mula sa China.

-- Advertisement --

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Cabangal, sinabi nito na pansamantala munang isinailalim sa home quarantine ang tatlong Chinese na hindi na pinangalanan.

Ayon kay Cabangal, nagmamay-ari ng One Stop Shop ang pamilya ng tatlong Chinese na sinasabing binubuo ng ina at dalawang anak nito.

Inihayag ni Cabangal na agad nitong ipinag-utos sa mag-iina na huwag munang magbukas ng negosyo at sumailalim agad sa home quarantine lalo na at may lagnat ang mga ito.

Sa ngayon ayon sa alkalde, mas makakabuti muna na masiguro na hindi positibo sa novel-coronavirus ang tatlong Chinese.