-- Advertisements --

Nahaharap sa reklamong large-scale estafa sa Department of Justice (DOJ) ang mag-asawa na nakabase sa Ormoc City, Leyte.

Sinabi ni Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ng complainant na si Michelle Lim Go-Chu, inihain ang reklamong estafa laban sa mag-asawang sina Lorenzo at Jerlyn Baltonado, may-ari ng isang construction company, na humahawak din sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ni Go-Chu na ang kaso ay kaugnay sa mga loan na ipinagkaloob niya sa Baltonado couple simula pa taong 2016 para makatulong sa kanilang puhunan sa negosyo.

Ayon kay Elamparo, si Go-Chu at ang mga Baltonados ay mayroong long-standing personal at business relationship.

Noong 2018 nagsimulang i-expand ang construction business ng mag-asawa at nagkaroon pa ng karagdagang pagkakautang ang mga Baltonados kay Go-Chu.

Sa layuning mapondohan ang kanilang mga proyekto ay nag-iisyu ng tseke ang complainant sa mag-asawa subalit pagsapit ng 2021 at 2022 ay nabigo nang makapagbayad ang mga ito.

Napag-alaman na patuloy ang Baltonado couple sa pag-loan gamit ang mga tseke ni Go-Chu dahilan para komprontahin na nito ang mag-asawa.

Wala pa namang tugon ang kampo ng mga kinasuhan, matapos ang paghahain ng reklamo sa DoJ.