Reading Time: 1 minute

DAGUPAN CITY – Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang mag asawang sakay ng motorsiklo matapos silang salpukin ng nakainom na rider sa San Carlos City, Pangasinan.

Nakilala ang mga biktima na si George at Rosalie Lomibao, residente ng Brgy Naguilayan sa nabanggit na syudad.

Lumalabas sa isinagawang imbistigasyon ng otoridad na paliko na sana ang mag asawa ng bigla na lamang silang salpukin ng motorsiklong minamaneho ng suspek na si Robinson Bied, 19 anyos.

Bigla umanong nag overtake si Bied, kaya’t napunta ito sa linyang kinaroroonan ng mag asawa na siya namang naging dahilan ng pagsalpok ng kani-kanilang mga motorsiklo.

Sa lakas ng impak, napatapon ang mga biktima na siya namang naging sanhi ng agaran nilang kamatayan. Mabilis din umano ang patakbo ng nakainom na suspek kaya’t nahirapan na itong pumreno.

Patuloy naman ang ginagawang imbistigasyon ng pulisya kaugnay sa nabanggit na insidente.