BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ang mag-ama na nasawi matapos mabiktima ang mga ito ng gas poisoning sa Loacan, Itogon, Benguet.

Kinilala ng Itogon Municipal Police Station ang mga biktima na sina Flores Esnada Lampacan, 59-anyos, at Lharson Ambros Lampacan, 32, residente ng Baguio Gold, Tuding, Itogon, Benguet.

Sinabi ng pulis na posibleng nangyari ang insidente noong Hunyo 2 o Hunyo 3 kung saan nagtungo ang mag-ama sa pinangyarihan ng insidente para linisin ang kanilang water impounding box.

Nililinisan umano ng mag-ama ang nasabing water impounding box nang malason ang mga ito dahil sa cyanide.

Natagpuan na lamang ang bangkay ng dalawa kahapon nang magtungo ang isang residente roon.

Tumanggi naman ang pamilya ng mag-ama na isailalim ang mga ito sa otopsiya.