-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dinala sa pangangalaga ng Aurora Police Station ang isang Grade 10 Student matapos umano siyang masamsaman ng mga ipinagbabawal na gamot sa Brgy. Bannawag, Aurora, Isabela.

Ang suspek ay si Michael di tunay na pangalan, 15 anyos at residente ng Brgy. Sta. Rosa, Aurora, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office, lumabas sa pagsisiyasat ng Aurora Police Station na nagpapatrolya umano ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team nang makita nila ang suspek na lulan ng motorsiklo.

Pinahinto umano nila ang binatilyo at nang pinabuksan ang kanyang sling bag ay nakita nila ang pinatuyong dahon ng Marijauna na nakabalot sa papel.

Dahil dito ay ipinasakamay umano nila ang binatilyo sa Aurora Police Station kasama ang mga nasamsam na hinihinalang Marijuana, dalawang vape, tatlong mamahaling cellphone, tatlong charger, isang pocket wifi, dalawang lighter at ang motorsiklo ng binatilyo para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.