-- Advertisements --

Kumpiyansa si Speaker Lord Allan Velasco na mapapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas sa oras na maging ganap na batas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Ginawa ni Velasco ang naturang pahayag matapos na ratipikahan kahapon ng Kamara ang reconciled version ng CREATE Act, na naglalayong pababain ang corporate income taxes at ayusin ang pagbibigay ng incentives sa mga negosyo sa bansa.

Ayon kay Velasco, mas maraming local at foreign investors ang maengganyo na pumasok sa Pilipinas, at marami ring trabaho ang malilikha sa pamamagitan nang CREATE Act.

Inilalagay din nito ang Pilipinas sa mas magandang posisyon para sa pagpasok ng aniya’y fresh money at para na rin gawing mas appealing ang economiya ng bansa bilang investment destination.

Sa ngayon, ang Pilipinas ang siyang may pinakamataas na corporate income tax rates sa Southeast Asia.

Ikinatuwa naman ng lider ng Kamara ang probisyon ng CREATE Act patungkol sa exemption sa VAT at iba pang buwis ang pag-aangkat ng COVID-19 vaccines, personal protective equipment, at treatement at clinical trial drugs.