-- Advertisements --

Pinuna ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong ang sistema na kasalukuyang umiiral patungkol sa pagtanggap sa reklamo ng mga distressed overseas Filipino workers (OFWs), kasunod nang pagkakapaslang sa domestic worker na si Jeanelyn Villavende ng kanyang sariling amo sa Kuwait kamakailan.

Kung naging mabilis lang aniya sana ang pag-aksyon ng kinauukulan sa naging reklamo ni Villavende ay hindi na sana nito sinapit ang malagim na kapalaran.

Sinabi ni Ong, na base sa mga ulat, nagawa pang humingi ng tulong ni Villavende pero kahit isa sa mga government agencies na responsable sa mga reklamo ng mga OFWs ay bigong umaksyon dito kaagad o kahit man lang beripikahin ang sitwasyon nito.

“We must correct the inaction. May malaking mali dito. There is already a history of killings in Kuwait. May large concentration din ng OFWs. Eh di lookout na dapat tayo. Andiyan ang recruitment agency, POEA, Embassy, the Filipino Center at OWWA. If only there is a quick mechanisim to check on complaints of OFWs like Villavende, she would still be alive by now,” ani Ong.

Base kasi aniya sa kasalukuyang setup, binibigyan ang mga recruitment agencies ng limang araw para magsumite ng report sa POEA hinggil sa mga kalagayan o kaso ng mga OFWs.

Iginiit ni Ong na dapat nang mabago ang polisiyang ito.

“Five working days? Mamamatay na yung kababayan natin tapos gagawan muna ng report? The POEA policy should be changed and matters of life and death must be treated by the government with extreme urgency and must be coordinated the soonest possible time, without delay at any hour of the day,” dagdag pa nito.

Natukoy kasi na Setyembre 2019 pa lang ay humihingi na ng tulong si Villavende sa kanyang recruitment agency.

Kaugnay nito ay nakahanda si Ong na maghain ng panukalang batas na magpapataw ng administrative at kahit criminal liability sa mga operators ng recruitment agencies at opisyal ng ahensya ng pamahalaan na bigong umaksyon kaagad sa sitwasyon ng mga distressed OFWs.