Kumpiyansa ang Department of Finance (DOF) na hindi na muli maaantala ang pagpasa ng Kongreso sa 2020 proposed national budget.
Sinabi ni Finance Sec. Carlos Dominguez, may epekto ang pagpasa ng national budget sa target ng gobyerno na maibaba ang poverty incidence o antas ng kahirapan sa 14% sa dulo ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabatid na sa datos ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa 16.1 percent ang mga Pilipinong nasa lalim ng poverty line sa unang bahagi ng 2018 kompara sa 22.2 percent noong parehong panahon noong 2015.
Pagdating naman sa target economic growth o o paglago ng ekonomiya ngayong 2019, inihayag ni Sec. Dominguez na hindi ibinababa ng Finance Department ang target nitong anim na porsyento.
Paliwanag pa ni Sec. Dominguez, maaabot ang target growth ng gobyerno sa pamamagitan ng catch-up up plan kung saan magagamit ng husto ang 2019 budget, ang maagang pagpasa ng 2020 national budget at ng natitirang tax reform packages sa Kongreso.
Para hindi na aniya maulit ang re-enacted budget, tuloy-tuloy ang pakikipag-usap ng DOF sa mga lider ng Senado at Kamara kada buwan para alamin ang status ng budget at iba pang priority bills ng Duterte administration.