Ipinagmalaki ni Mayor Lani Mercado-Revilla ang AHT freezer na maaaring imbakan ng mga bakuna laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang nasabing freezer ay may kapasidad na maglaman ng approximately 13,500 hanggang 27, 000 vials.
Para sa limang doses per vial, maaaring umabot ito ng 67,900 hanggang 135,800 doses, depende na lamang kung ano ang packaging ng makukuhang bakuna.
Ang lokal na pamahalaan ay naghanda ng mga AHT freezers para sa iba’t ibang brands ng bakuna na maaaring dumating mula sa national government gayundin ang paghahanda para sa mga bakuna na bibilhin ng pamahalaang lungsod.
“Naghanda na kami ng mga freezers para sa Pzifer at Moderna, gayundin ang mga refrigerators para sa iba pang brands ng mga bakuna laban sa COVID-19. Ikinatutuwa naming malaman na kahapon nga ay dumating na ang mga donasyong bakuna mula sa China at paparating na din ang iba pang mga bakuna sa National Government. Umaasa kami na mapabilang ang Lungsod ng Bacoor sa malaanan ng bakuna mula sa Pambansang Pamahalaan lalo na ang Bacoor ay may pinakamataas na kaso ng Covid-19 sa lalawigan ng Cavite at dahil na din sa napakalapit namin sa NCR. Hindi natin alam kailan darating ang mga bakuna sa ating Lungsod pero mas mabuti nang handa tayo. Ang mga bakuna ay libre nating ipapamahagi sa ating mga kababayan, mauuna na ang ating mga frontline health care workers. Nag-umpisa na sila sa pagbabakuna sa NCR kaya sana ay kasunod na kaming mga kalapit lungsod ng NCR,” ani Mercado.
Ayon naman kay Councilor Alde Pagulayan, head ng technical working group (TWG) on COVID-19 ng Bacoor, naging masigasig ang Pamahalaang Lungsod sa paghahanda ng COVID-19 vaccine Rollout sa pangunguna ni Mayor Lani.
Matapos ang matagumpay naming simulation, ngayon ay puspusan naman ang trainings ng ating mga personnel at manpower sa ating Vaccine Operation Center.
Ngayong ready na din ang cold storage ng Lungsod, paghahandaan naman ang susunod na simulation na gaganapin sa dalawang Mega Vaccine Hubs ng lungsod, Bacoor Elementary School sa Brgy. Alima at Bacoor Coliseum sa Brgy. Molino 3.
Inaanyayahan ni Mayor Lani Mercado-Revilla ang lahat ng mga Bacooreño na magpabakuna kontra COVID-19 dahil ito lamang ang natatanging solusyon para mawakasan ang pandemya.
Ipinahayag din ni Mayor Lani na una siyang magpapabakuna kapag dumating na ang mga Covid-19 vaccines sa lungsod ng Bacoor para maipakita sa mga kababayan na ang pagbabakuna ay safe at epektibo.