Tinatarget ngayon ng Philippine Coast Guard na marekober ngayong linggo ang lumubog na FBB Dearyn na bangka ng tatlong mangingisdang nasawi matapos mabangga ng isang foreign oil tanker malapit sa Bajo de Masinloc shoal.
Ito ay matapos matunton ng BRP Malapascua ng Philippine Coast Guard ang kinaroroonan ng nasirang bangka sa layong 180 nautical miles mula sa Agno, Pangasinan.
Ayon kay sa PCG, dahil sa malubhang pinsalang tinamo ng naturang bangka ay kinakailangan itong isakay sa salvor ship na Harbor Star upang maiwasang mas lumala pa ang sira nito.
Kagabi ay nakalis na ang Harbor Star para sa salvage at towing operations sa nasabing fshing boat.
Inaasahang aabutin ng dalawang araw bago ito makarating sa lugar kung nasaan ang nasabing bangka, habang dalawa hanggang tatlong araw naman bago ito makabalik.
Matatandaang una nang sinabi ng PCG na gagamitin nito ang marerekober na bangka bilang ebidensya para sa mga kasong posibleng maisampa laban sa mga nakabangga dito na kumitil sa buhay ng tatlong Pilipinong mangingisda.