Pumasok na sa panibagong yugto ang umiigting na digmaan sa Gitnang Silangan matapos ang mga matitinding pag-atake sa mahahalagang imprastruktura ng enerhiya sa rehiyon, kung saan pinangangambahan ang epekto nito sa pandaigdigang ekonomiya at seguridad, pati na rin ang walang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang digmaan.
Mahigit tatlong linggo na mula nang sumiklab ang labanan noong Pebrero 28 kasunod ng pinagsamang pambobomba ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran. Sa kasalukuyan, hindi na lamang ito limitado sa direktang sagupaan ng mga hukbo, kundi lumawak na sa estratehikong pag-target sa mga pasilidad ng langis at gas.
Sa pinakahuling mga pag-atake, tinamaan ang ilang pangunahing pasilidad ng enerhiya sa rehiyon. Kabilang dito ang dambuhalang South Pars gas field ng Iran, na isa sa pinakamalaking reserba ng natural gas sa mundo at mahalaga sa suplay ng enerhiya ng bansa.
Bilang tugon, naglunsad ang Iran ng serye ng drone attacks na tumama sa Mina Al-Ahmadi refinery sa Kuwait at sa Ras Laffan natural gas facility sa Qatar—dalawa sa pinakamahalagang energy hubs sa Gulf region.
Hindi lamang sa Gulf nakasentro ang tensyon. Umabot na rin ang operasyon militar ng Israel hanggang sa Caspian Sea, kung saan tinarget ang mga barkong pandigma ng Iran at mga instalasyon sa baybaying rehiyon nito.
Samantala, iniulat ng isang opisyal ng United Kingdom na nagtangka ang Iran na tamaan ang isang pinagsamang base militar ng UK at US sa Indian Ocean gamit ang ballistic missiles, bagamat hindi ito naging matagumpay.
Isa sa pinakamalaking epekto ng krisis ay ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Dahil sa de facto blockade ng Iran sa Strait of Hormuz—isang makitid ngunit kritikal na ruta kung saan dumadaan ang halos 20 porsiyento ng suplay ng langis at gas sa mundo—malaki ang naging epekto nito sa kalakalan.
Sa loob lamang ng isang buwan, tumaas ng higit 50% ang presyo ng North Sea Brent crude, na lumagpas na sa $105 kada bariles.
Ang ganitong pagtaas ay may direktang epekto sa mga bansang umaasa sa imported na enerhiya, kabilang ang Pilipinas, na maaaring makaranas ng pagtaas sa presyo ng gasolina, kuryente, at iba pang pangunahing bilihin.
















