KALIBO, Aklan – Umabot sa 71 ang mga lumabag sa minimum health protocol at curfew sa isla ng Boracay sa loob lamang ng isang araw noong Nobyembre 1 kasabay ng pagbuhos ng mga bisita.
Sa tala ng Malay Municipal Police Station, simula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-2:00 ng madaling araw, naaresto ang naturang mga indibidwal na karamihan ay mga turista na lumabag sa Municipal Ordinance No. 453 S-2021 o mas kilala sa tawag na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Prevention and Control Ordinance partikular ang Section 9 o mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours, liquor ban at mass gathering.
Sa naturang bilang, 36 ang nahuli sa Balabag, 13 sa Manocmanoc, 12 sa Yapak at 10 ang naaresto ng mga miyembro ng Malay Headquarters.
Inisyuhan ang mga ito ng citation ticket na may multang P2,500.
Nauna dito, ipinag-utos ni Police Lt. Col Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station ang mas mahigpit na pagpapatupad ng curfew sa isla simula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Habang ang curfew sa mainland Malay ay nananatiling alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Dagdag pa ni De Dios na kadalasang nilalabag ang curfew at hindi pagsusuot ng face mask.
Mahalaga umanong masiguro na ang mga turista gayundin ang mga manggagawa at residente ay protektado at ligtas sa nakamamatay na COVID0-19.