Sinuspendi ng Land Transportation office (LTO) ang nasa 12 private emission testing centers (PETC) dahil sa umano’y palsipikadong emission results.
Sa isang statement sinabi ng LTO na ang 90 araw na suspensiyon ay magbibigay daan para sa imbestigasyon sa umano’y scheme na pagbibigay ng pasadong marka sa kabila ng kawalan ng presensiya ng mga saksakyan ng isagawa ang inspeksiyon na nadiskubre kasunod na rin ng idinulog na mga reklamo sa ahensiya.
Sa renewal kasi ng registration ng mga sasakyan, sumasailalim sa emission testing ang mga ito upang suriin kung ang mga ito ay “roadworthy” o ligtas na ibiyahe sa mga kakalsadahan upang maiwasan ang aksidente.
Pagbubunyag ni Renan Melintante, Intelligence and Investigation Division officer-in-charge ng LTO na maaaring palsipikado o di naman kaya ay intentional na pinalitan ang resulta ng emission testing na in-upload ng 12 private emission testing centers sa Image Repository Database Server.
Pinagpapaliwanag din ang IT providers ng mga ito kung bakit hindi dapat na ma-revoke ang kanilang accreditation dahil sa posibleng sabwatan sa testing centers.
Paggigiit ng LTO na ang tampering ng test result o pagsusumite ng false information ng isang sasakyan ay isang basehan para sa withdrawal o kanselasyon ng authorization ng private emission testing center.