-- Advertisements --

Planong makipagtulungan ngayon ng Land Transportation Office sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa printing ng mga driver’s license sa bansa.

Ito ay sa gitna ng napipintong pagkaubos ng supply ng mga plastic cards na gagamitin para sa mga driver’s license bago matapos ang buwan ng Enero o sa unang linggo ng buwan ng Pebrero.

Sabi ni LTO chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, sa tulong ng Department of Transportation ay nakikipag-ugnayan na sila sa ngayon sa mga government printing agencies at nakapagsumite na rin aniya ang mga ito ng quotations para sa pagsusupply ng 6-million license cards.

Paliwanag ni Medoza, ito aniya ang kanilang nakikitang pinakamabilis at pinaka-transparent na pamamaraan hinggil sa nasabing suliranin.

Sa ngayon kasi ay nasa 270,000 nalang ang natitirang plastic cards na nakakalat ngayon sa iba’t ibang district offices.

Samantala, kasabay nito ay muli ring ipinaliwanag ng LTO na sakaling mabigo ang kanilang ahensya na makapaglabas ng mga license cards otomatikong mae-extend hanggang sa Abril 2024 an=g validity ng mga expired driver’s license.

Habang una nang inihayag ng opisyal ang plano nitong paggamit ng papel na lisensya para sa pag-aapply pagsapit ng Pebrero sakaling tuluyan nang maubos ang natitirang plastic cards ng ahensya.