Naglabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang taxi driver na naging viral sa social media matapos umanong punitin ang isang traffic citation ticket.
Ayon sa LTO, inatasan ang driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng ahensya sa Abril 15 upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng “unfit person to operate a motor vehicle” dahil sa kanyang ginawa.
Makikita sa viral video, ang driver umano na sinadyang punitin ang ticket na ibinigay ng isang traffic enforcer.
Sinabi ng LTO na paglabag sa awtoridad ang ginawa ng naturang taxi driver at hindi aniya angkop para sa isang lisensyadong driver.
Inaatasan din ang driver na isuko ang kanyang lisensya sa araw ng pagdinig. Pansamantala rin itong isasailalim sa 90-day preventive suspension, habang ang ginagamit na taxi ay ilalagay sa alarm status ng LTO.
















