Papalakasin pa ng Land Transportation Office (LTO) ang visibility ng kanilang traffic enforcers bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga motorista at iba pang road users na tumalima sa batas trapiko.
Sa isang statement, sinabi ni LTO chief ASec. Vigor Mendoza II na titiyakin ng mga enforcer ang maayos na pagsakay at pagpapababa ng mga pasahero gayundin ang eksklusibong paggamit ng bicycle lanes at pagpapatupad ng iba pang batas trapiko at regulasyon.
Patuloy din na makikipag-ugnayan ang LTO sa mga lokal na pamahalaan, MMDA at sa PNP para tiyakin ang disiplina sa daan para sa kaligtasan ng lahat.
Umapela din ang LTO chief sa mga lider ng transport groups na manduhan ang kanilang mga miyembro na sundin at igalang ang batas trapiko.
Una rito, hinimok ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga bumabagtas sa kakalsadahan na obserbahan ang batas trapiko at mga regulasyon para sa ligtas na biyahe sa ilalim na rin ng Bagong Pilipinas campaign.
Nanawagan din ito sa mga tsuper ng PUV na magsakay at magbaba lamang ng mga pasahero sa loading at unloading zone at iwasang dumaan sa biking lanes upang maiwasan ang disgrasiya at sa mga pedestrian lanes upang magamit ng publiko.