Nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista na magpapaso na ang lisensiya ngayong buwan ng Abril na mag-renew na ng kanilang driver’s permit bago magkatapusan.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza, dapat na sumunod ang mga motorista sa itinakdang schedule ng ahensiya para sa kanilang pag-renew ng lisensiya para mapabilis ang paglalabas ng plastic card licenses.
Kung saan ang mga mayroong lisensiya na nagpaso mula Abril 1 hanggang Agosto 31, 2023 at nagpaso mula Abril 1 hanggang 30, 2024 ay dapat na ma-renew mula Abril 15 hanggang 30 para maiwasan ang pagmumulta.
Ang mga motorista naman na magpapaso ang kanilang lisensiya mula Setyembre 1 hanggang Disyembre 31, 2023 at mula Mayo 1 hanggang 31, 2024 ay naka-schedule para sa renewal sa Mayo.
Ang mga nagpasong lisensiya naman mula January 1 hanggang March 31 at June 1 hanggang 30 ay naka-schedule para sa renewal sa Hunyo.
Samantala, sinabi ni LTO chief Mendoza na nakatakdang simulan na ang pag-iisyu ng plastic card licenses sa Abril 15.