-- Advertisements --

Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa driver at rehistradong may-ari ng isang sports utility vehicle (SUV) matapos na kumalat sa social media ang video ng umano’y road rage incident.

Ayon sa LTO, ipinapakita sa viral video ang mga lalaking sakay ng SUV na bumaba at umano’y hinarangan ang sasakyan ng biktima.

Pinatawag ng LTO ang driver at may-ari ng SUV sa isang pagdinig sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) kung saan maaari silang kumuha ng abogado para sa kanilang depensa.

Dito kailangan nilang magsumite ng pormal na paliwanag at mga dokumento upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga paratang na Reckless Driving, Obstruction of Traffic, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Inutusan ‘din ng LTO ang driver na isuko ang kanyang lisensya, na pansamantalang sususpindihin ng ng 90 araw. Ilalagay din ang SUV sa ”under alarm” habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon pa sa ahensya, ang hindi pagharap o pagsumite ng paliwanag ay ituturing na pagsang-ayon na ituloy at tapusin ang proseso kahit wala sila, at ang desisyon ay ibabase sa mga ebidensyang hawak ng ahensya. Maaari silang kumuha ng abogado para sa kanilang depensa.