Inilabas na ng Land Transportation Office ang iskedyul ng renewal ng driver’s license para makuha ng mga motorista ang kanilang plastic na lisensiya.
Para sa mga driver’s license na may expiration date na April 1 hanggang August 31, 2023 at April 1 hanggang April 30, 2024, maaari kayong mag-renew ng lisensiya mula April 15 hanggang April 30, 2024.
Para naman sa mga nag-expire na noong September 1 hanggang December 31, 2023 at sa mga mag-eexpire sa May 1 hanggang May 31, 2024, maaari kayong mag-renew ng lisensiya sa May 1 hanggang May 31, 2024.
Para naman sa mga may expiration dates na January 1 hanggang March 31, 2024 at June 1 hanggang June 30, 2024, ang iskedyul ninyo sa pag-renew ng lisensiya ay June 1 hanggang June 30, 2024.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza III, ang ginawang iskedyul ay para siguruhing may maayos na proseso at distribusyon ng mga plastic-printed na driver’s license.
Kung matatandaan, nasa halos 3.2 milyong piraso ng plastic cards ang hindi na-deliver sa LTO noong nakaraang taon matapos mag-isyu ng Writ of Preliminary Injunction ang Quezon City bilang tugon sa kasong inihain ng natalong bidder.
Noong nakaraang linggo nga ay inalis na ng Court of Appeals ang kautusan kaya naman nakapag-deliver na ng isang milyong plastic cards sa LTO noong Lunes.
Samantala, kapag naman hindi nakapag-renew ang driver ng kaniyang lisensiya sa nakatakdang iskedyul ay mangangahulugan ito na expired na ang kaniyang lisensiya.
Sinabi rin ni Mendoza na inutusan na niya ang regional directors na makipagtulungan sa LTO Central Office para sa pag-deliver ng plastic cards sa mga District Offices at Satellite Offices sa buong bansa.
Hinimok din ni Mendoza ang publiko na bisitahin ang kanilang social media accounts para maging updated sa mga bagong anunsiyo ng ahensiya.