-- Advertisements --

Nagpatupad ang Land Transportation Office (LTO) ng malawakang reassignment sa mga district head nito sa National Capital Region (NCR) kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong umano’y fixer na sangkot sa ilegal na pagproseso ng mga lisensya at student driver’s permit.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, bahagi ang hakbang ng patuloy na reorganisasyon ng ahensya upang mapanagot hindi lamang ang mga fixer kundi maging ang mga opisyal na posibleng nagpabaya o nagbigay-proteksyon sa kanilang operasyon.

Noong Hunyo 29, 2026, nahuli sa isang entrapment operation ang tatlong tauhan ng LTO na umano’y sangkot sa ilegal na pagproseso ng student driver’s permits at driver’s licenses.

Isinagawa ang operasyon sa LTO West Manila District Office at sa LTO East Avenue Central Office.

Kasalukuyan ding iniimbestigahan ng LTO ang mga hepe ng dalawang district office upang matukoy kung nagkaroon ng kapabayaan sa kanilang tungkulin at kung gaano kalawak ang umano’y ilegal na aktibidad sa mga naturang tanggapan.

Binigyang-diin ni Lacanilao na pananagutan ng bawat district head na tiyaking walang fixer at anumang uri ng ilegal na gawain sa mga opisinang kanilang pinamumunuan.

Hinikayat din niya ang publiko na direktang makipagtransaksyon sa mga opisyal at empleyado ng LTO at iulat ang anumang katiwalian o iregularidad sa pamamagitan ng opisyal na citizen feedback platform ng ahensya, ”I-Report Mo Kay LTO Chief,” upang agad na maaksyunan ang mga reklamo.