Hindi bababa sa 56 na tauhan ng Land Transportation Office (LTO) ang sinampahan ng administrative cases ayon kay LTO Chief at Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa mga empleyado ang grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty, extortion, falsification of official documents, at iba pang paglabag na may kaugnayan sa integridad ng ahensya.
Giit ni Lacanilao, bahagi ito ng ipinatutupad niyang kampanya laban sa korapsyon at kapabayaan sa ahensya sa ilalim ng kanyang 7-Point Priority Agenda na nakatuon sa integridad, katapatan, at dekalidad na serbisyo.
Dagdag pa niya, hindi lamang mga operasyon laban sa mga fixer at pasaway na motorista ang tinututukan ng LTO, kundi pati na rin ang paglilinis sa hanay ng sariling mga tauhan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.
Ayon sa LTO, sa kabuuang bilang na 56 na empleyado, isa ang presidential appointee habang 34 ang permanenteng empleyado mula sa central office at iba’t ibang regional offices sa Metro Manila, Region II, Region IV-B, Region VI, Cordillera Administrative Region (CAR), at CARAGA.
Kabilang sa mga hakbang na ipinataw ang preventive suspension at pagsasampa ng formal charges sa ilang tauhan, habang ang iba ay isinailalim sa imbestigasyon ng Central Office Disciplinary Board (CODB), Regional Administrative Action Board (RAAB), at Department of Transportation (DOTr).
Samantala, 16 job order personnel ang tuluyang tinanggal sa serbisyo, habang dalawang LGU auxiliary enforcer at isang security guard ang binawi ang deputation authority.
Dalawang opisyal ng LTO mula sa National Capital Region at Region XII ang binigyan naman ng “stern warning” dahil sa mga administrative lapses.
















