-- Advertisements --
image 551

Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw na suspensiyon sa lisensiya sa pagmamaneho ni Wilfredo Gonzales, ang retiradong pulis na nahuli-cam sa paghampas ng ulo at nagkasa ng baril sa isang siklista sa Quezon city.

Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, epektibo ang suspensiyon sa driver’s license ng dating pulis habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon para matukoy kung mare-revoke ang lisensiya ni Wilfredo Gonzales o hindi kaugnay sa hindi magandang asal na ipinakita nito nang hampasin nito sa ulo at nagkasa ng kaniyang baril sa isang road rage incident noong Agosto 8.

Ang suspension order sa lisensiya ni Gonzales ay base sa kapangyarihan ng LTO sa ilalim ng Section 27 ng Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.

Sinabi din ng LTO official na natanggap na ni Gonzales ang Show cause order kahapon, Agosto 28 na nag-aatas sa kaniya na humarap sa mga imbestigador ng LTO at dalhin ang notarized explanation nito kung bakit hindi dapat ito parusahan.

Nilinaw naman ng LTO official na bagamat makikita sa kumalat na video na nagpakita ng hindi magandang asal ang retiradong pulis dapat na respetuhin pa rin ang karapatan para sa due process ng sangkot na motorista bilang parte ng legal system.