Pag-aaralan pa raw ng transport officials ang posibilidad na dagdagan ang bilang ng mga ruta at linya ng provincial buses na papayagang magbalik operasyon.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra, kailangan muna nilang ma-evaluate ang epekto ng bubuksang mga ruta ng provincial buses bago sila mag-desisyon kung magdadagdag o mababawasan ang bus units.
“Pwede madagdagan or for that matter mabawasan yung number of bus units on a particular route. Pwede ring madagdagan yung number of routes going towards, lets say, in a particular LGU,” ani Delgra sa isang press conference nitong Linggo.
Sa ilalim ng ng Memorandum Circular 2020-051, 286 provincial bus units ang pinapayagan ng bumiyahe sa Miyerkules, September 30. Lalarga ang mga bus na ‘yan sa 12 ruta:
- San Fernando, Pampanga – Araneta Center, Cubao, Quezon City
- Batangas City, Batangas – Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx)
- Lemery, Batangas – PITx
- Lipa City, Batangas – PITx
- Nasugbu, Batangas – PITx
- Indang, Cavite – PITx
- Mendez, Cavite – PITx
- Tagaytay City, Cavite – PITx
- Ternate, Cavite – PITx
- Calamba City, Laguna – PITx
- Siniloan, Laguna – PITx
- Sta. Cruz, Laguna – PITx
Mula sa mga rutang ‘yan, ilang bus units ang mare-reroute o iibahin ang ruta. Ang mga bus na biyaheng Manila to San Fernando, Pampanga ay padadaanin sa Mindanao Ave, Congressional Avenue at Katipunan Ave papuntang terminal sa Cubao.
Ang mga biyahe naman na galing Laguna, Cavite at Batangas ay magtatapos sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Ayon kay Delgra, may basbas ng mga concerned local government units ang inilabas nilang memorandum.
“Pwedeng magdagdag din ng mga ibang ruta doon sa mga LGUs na hindi pa naka-lista ngayon. Ibig sabihin, initial bus routes itong binuksan doon sa pumayag na at sa araw-araw na kailangan natin imo-monitor together with our regional directors, magdadagdag at magbubukas.”
Kaakibat ng inaasahang pagbabalik kalsada ng provincial buses sa Miyerkules ang mahigpit din na pagpapatupad ng minimum health standards tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask at face shield; 50% capacity sa mga pasahero at dapat may contact tracing measure.
Bawal naman ang pagkain, pagce-cellphone at pakikipag-usap ng mga pasahero habang nasa biyahe.
Ang mga bus regular naman imo-monitor at isasailalim sa disinfection.
Pinapayuhan ng LTFRB ang mga pasahero na mag-book na agad ng kanilang mga tickets, dalawang araw o mas maaga pa sa araw ng kanilang biyahe.
Nilinaw din ng ahensya na walang taas pasahe, pero ang grupong South Luzon Bus Operators ay aapela raw ngayong araw dahil lugi raw kung mananatili ang regular na pasahe sa limitadong bilang ng mga pwedeng isakay.