Nakatakdang ianunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang desisyon nito sa hirit na provisional fare hike para sa mga public utility jeepneys sa araw ng Martes, Oktubre 3.
Ayon kay LTFRB chair Teofilo Guadiz, pagkatapos na makapagpasa ang transport groups ng supplemental petition para sa taas pasahe, posibleng maglabas ng pinal na desisyon ang ahensiya sa pagdinig na gaganapin sa Martes.
Ikokonsidera din aniya ang feedback mula sa National Economic and Development Authority (NEDA) at iba pang stakeholders bago nila gawin ang desisyon.
Sa isinagawang pagdinig noong Huwebes, pinagpaliwanag ng LTFRB ang mga petitioner kaugnay sa kanilang hinihinging P5 na taas pasahe para sa unang apat na kilometro at P1 provisional fare increase kung ito ay para lamang sa traditional PUJs sa NCR.
Tinalakay din ang hirit ng iba pang transport group na P2 fare hike para sa traditional PUJs.
Kabilang sa mga petitioner para sa taas pasahe ang Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide, Inc. (PASANG MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).