-- Advertisements --

Na-promote na bilang three star general ang incoming Western Mindanao Command (WestMinCom) commander na si Lt. Gen. Cirilito Sobejana.

Si Sobejana ang papalit sa puwesto ni Lt. Gen. Arnel Dela Vega na magreretiro na sa serbisyo sa darating na Biyernes, June 28.

Si Sobejana ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1987, isang medal of valor awardee at commander ng 6th Infantry Division (ID), na nakabase sa Central Mindanao bago siya itinalaga bilang incoming WesMinCom commander.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana, kaniyang sinabi na mas lalo pa nito palalakasin ang kampanya laban sa teroristang Abu Sayyaf at hindi hahayaan na makapag-regroup pa ng puwersa ang local ISIS (Islamic State of Iraq and Syria)-inspired group sa Central Mindanao.

Kabilang sa ipinagmamalaki ng heneral bilang 6th ID commander ay naging mapayapa at maayos ang Bangsamoro plebiscite at ang katatapos na midterm elections.

Giit nito na sa ngayon, hirap na ang Dawlah Islamiyah terrorists dahil sa ikinasa nilang month-long military operations.

Samantala, ang papalit naman sa puwesto ni Sobejana bilang 6th ID commander ay si M/Gen. Diosdado Carreon na miyembro rin ng PMA Class 1987 at mistah ni Sobejana.

Sa kabilang dako, pinili ni outgoing WesMinCom commander Lt. Gen. Dela Vega na magretiro sa serbisyo ng mas maaga sa kaniyang mandatory age retirement na 56.

Sa susunod na taon pa kasi dapat magreretiro sa serbisyo ang heneral.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dela Vega, nais niya na mas marami pang mga junior officers ang uupo sa puwesto ng matagal.

Si Dela Vega ay miyembro ng PMA Class of 1985 at mistah ni Armed Forces of the Philippines Chief of staff Gen. Benjamin Madrigal.