-- Advertisements --

Nanindigan ang karamihan sa mga gobernador sa bansa na dapat panatilihing restricted pa rin ang polisiya sa pagtanggap ng mga non-Authorized Persons Outside Residence (APOR) at Locally Stranded Individuals (LSIs) sa kanikanilang mga probinsya.

Sinabi ito ni Gov. Presbitero Velasco, National President ng League of Province of the Philippines, matapos na payagan na ng pamahalaan kamakailan ang pagbiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).

Ayon kay Velasco, bago pa man niluwagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang interzonal movement ng mga non-APOR ay tuloy-tuloy ang kanilang pagtanggap naman ng mga LSIs salig sa guidelines na inilabas ng IATF.

Pero sinabi ni Velasco na dapat sa pagluwag sa travel restrictions ay dapat mapanatili pa rin ang pagsunod sa dalawang requirement sa pagpasok ng mga non-APOR at LSIs sa borders ng iba’t ibang probinsya upang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Kabilang na aniya rito ang pag-obliga pa rin sa mga biyahero nang pagkuha ng medical clearance certificate mula sa sending local government units at travel authority naman mula sa PNP.

Bukod dito, may ilang local regulations din aniyang kailangan na sundin ang mga non-APOR at LSIs sa kanilang pagpasok sa mga probinsya gaya nang pagkuha ng COVID-19 test at travel authrotiy mula sa Philippine National Police sa mga sending LGUs.