Reading Time: 1 minute

Bigo ang House Committee on Transportation na makuha ang buong detalye sa nangyaring sunog sa LRT (Light Rail Transit)-2.

Sa ipinatawag na emergency meeting ng komite, sinabi ni LRT-Authority spokesperson Hernando Cabrera na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang insidente.

Hindi pa rin aniya sila makakapasok sa Anonas-Santolan segment na nasunog dahil nasa hurisdiksyon pa rin ito ng Bureau of Fire Protection.

Gayunman, dalawa lamang ayon sa LRTA Engineering Department ang tinitingnan nilang dahilan ng naturang sunog– ito ay ang circuit failure at kidlat.

Dahil sa tindi ng pinsala, sinabi ni LRTA project engineer Frederico Canar Jr., na matatagalan ang pagkumpuni sa LRT-2.