Good news para sa mga pasahero ng LRT-2!
May hatid na libreng sakay ang Light Rail Transit Line 2 sa April 9 bilang pagdiriwang sa Day of Valor o Araw ng Kagitingan.
Sakop nito ang biyaheng Antipolo – Recto at vice versa.
Sa advisory na inilabas ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA), lahat ng pasahero ay maaaring makapag-avail ng libreng sakay sa limitadong oras.
Ito ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga. Ang schedule naman ng libreng sakay sa hapon ay alas-5 hanggang alas-7 ng gabi.
Ayon kay LRTA Administrator Hernando Cabrera, ang libreng sakay daw ay bilang pakikiisa sa paggunita ng Araw ng Kagitingan at pagpupugay sa mga beterano at modern-day heroes lalo na sa sektor ng transportasyon.
Samantala, maghahandog din ng libreng sakay ang MRT-3 mula Abril 5 hanggang Abril 11.
NGunit ito’y para lamang sa mga beterano at isa nilang kasama.
Ayon sa pahayag ng MRT-3, ito ay bilang pakikiisa sa Araw ng Kagitingan at Philippine Veteran’s Week.
Kinakailangang magpakita ng mga beterano ng valid identification card mula sa Philippine Veterans Affairs Office upang maka-avail ng libreng sakay.
Buong oras ng operasyon sa loob ng isang linggo makakapag-avail ng libreng sakay ang mga beterano sa MRT-3.