-- Advertisements --
LRT 1 Cavite extension project

Malapit nang makumpleto ng Light Rail Manila Corp. (LRMC) ang paunang segment ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite extension project.

Natapos na ng nasabing korporasyon ang 88 porsiyento ng unang yugto ng proyekto.

Nilalayon nitong patakbuhin ang bagong linya sa ikaapat na quarter ng 2024.

Sinabi ni LRMC president at chief executive officer Juan Alfonso na ang completion rate ay sumasaklaw sa disenyo ng proyekto at mga proseso sa procurement process, civil works gayundin sa testing at commissioning.

Ang unang section ng proyekto ay nagdaragdag ng limang station sa LRT-1, na nagpapalawak ng riles sa Sucat sa Parañaque.

Ito ay nagkakahalaga ng higit sa kalahati o 6.7 kilometro ng 11-km na pagpapalawak ng linya ng tren patungong Cavite.

Sinabi ng LRMC na natapos na nito ang 59.8% ng Redemptorist station sa tabi ng Baclaran station.

Hindi bababa sa 66.8% ng istasyon ng Manila International Airport ang natapos na; 54.6% ng Asia World station na iuugnay sa Parañaque Integrated Terminal Exchange; 59.3 % ng istasyon ng Ninoy Aquino at 71.1% ng istasyon ng Dr. Santos, ang huling hintuan sa unang bahagi ng proyekto.

Ayon kay Alfonso, hindi pa natatanggap ng LRMC ang alinman sa right of way (ROW) na kailangan para sa ikalawa at huling bahagi ng proyekto.

Una na rito, ang LRMC ay gumastos ng dagdag na P4 bilyon para sa mga gawain ng linya ng LRT-1 cavite project dahil sa mga pagkaantala dulot ng pandemya ng COVID.