Tuluyan nang nalusaw ang binabantayang low pressure area (LPA) sa may Batangas nitong umaga ng Miyekules, Hunyo 18.
Sa kabila naman nito, patuloy pa rin na makakaranas ng mga pag-ulan ang ilang parte ng bansa ngayong araw dahil sa epekto ng easterlies.
Magdadala ang naturang weather system ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Oriental Mindoro at Marinduque.
Kaugnay nito, ibinabala ng state weather bureau ang posibleng mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa paminsan-minsang mabibigat na mga pag-ulan.
Samantala, makakaranas naman ng kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms ang Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao Occidental, Sarangani, Sultan Kudarat, at Tawi-Tawi dahil sa epekto ng intertropical convergence zone.
Sa parte ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan valley, inaasahang mararanasan ang localized thunderstorms.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dulot ng easterlies ang mararanasan naman sa nalalabing parte ng bansa.