Palawak nang palawak ang international career ng aktres na si Lovi Poe matapos makumpirmang kabilang siya sa bagong thriller film na ”Ignition” kasama ang Game of Thrones (GOT) star actress Maisie Williams.
Ayon sa ulat ng Variety, ang naturang pelikula ay isang “high-concept thriller” na ididirek ni James Erskine. Kasama rin sa cast ang aktor na si Rory Kinnear.
Sa kwento ng Ignition, gaganap si Williams bilang si Sylvie Johnson, isang babae na biglang napasok sa isang delikadong sitwasyon matapos makatanggap ng tawag na may bomba sa kanyang sasakyan. Mapipilitan siyang sundin ang mga utos ng isang hindi kilalang tao habang naglalakad patungo sa Royal Albert Hall.
Gagamitin sa pelikula ang “live cinema” filming technique kung saan kinukunan ang mga eksena sa totoong lokasyon gamit ang multi-camera system upang makuha ang mas makatotohanan at intense na performance ng mga artista.
Ayon kay Erskine, layunin ng pelikula na iparamdam sa manonood ang tensyon at pressure na nararanasan ng pangunahing karakter sa real time.
Sa kanyang social media post, sinabi ni Lovi Poe na masaya siya sa proyekto at ikinatuwa ang pagpapakilala ng pelikula sa Cannes Film Festival ngayong Mayo.












