DAGUPAN CITY – Love triangle ang isa sa tinitignang motibo ng pulisya sa pagpatay sa mag-live-in partner matapos silang pagbabarilin sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay P/Maj. Melecio Mina, hepe ng San Fabian PNP, isa ito sa tinitingnan nilang anggulo lalo’t parehong may asawa ang mga biktima na sina Patrocenio Malicdem at Solna Parlan.

Bukod sa anggulong love triangle, sinisilip din nilang motibo sa pangyayari ang road altercation dahil ang mga biktima ang sumusunod sa sasakyan ng suspek nang maganap ang insidente.

Nagsasagawa na sila ngayon ng backtracking sa mga dinaanang lugar ng mga biktima upang malaman kung nagkaroon ng kaaway sa daan bago maganap ang pamamaril sa kanila.

Una rito, binabagtas ng mag-live in partner ang San Fabian-San Jacinto road partikular sa Barangay Angio nang bigla umanong tumigil ang sinusundan nilang dilaw na kotse saka sila pinagbabaril na kanilang ikinasawi.