-- Advertisements --

Daan-daang love letters ang bumuhos para magbigay lakas ng loob at suporta sa mga pasyente ng 2019 coronavirus infectious disease o COVID-19 sa Lungsod ng Bacoor na kasalukuyang naka-quarantine sa mga isolation areas.

Noong Linggo ay kumatok sa puso ng bawat Bacooreño ang lokal na pamahalaan ng Bacoor upang tulungan ang mga COVID-19 patients sa lungsod sa pamamagitan nang pagbibigay ng liham sa mga ito.

Layunin umano ni Bacoor City Mayor Lani Revilla na iparamdam sa mga pasyente na sa kabila ng kanilang pinagdadaanan ay marami ang nagmamahal at nagmamalasakit sa kanila.

Batid din ng alkalde na mahirap ang kalagayan ng mga psayente sa kanilang isolation rooms kaya naman minabuti nitong ipadala na lang sa kanila ang mga love letters ng mga Bacooreño na patuloy na nagdadasal sa kanilang paggaling.

Sa ngayon ay mayroong 63 kaso ng Covid-19 sa lungsod. Karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho bilang health workers sa NCR.

Samantala, hindi pa lumalabas ang resulta ng ginanap na mass testing noong nakaraang linggo. Umaasa naman ang mga mamamayan ng Bacoor na hindi na sana madagdagan pa ang positibong kaso sa lungsod.

“Kami ay nananawagan sa mga kababayan natin na makiisa sa mga hakbangin at panuntunan ng lokal na pamahalaan dahil para din ito sa ating kaligtasan. Maaaring magkaroon tayo ng ilang mga karagdagang paghihigpit sa mga barangay na may mataas na kaso ng Covid-19” pakiusap ni Mayor Lani sa mga taga-Bacoor.

“Halos puno na ang mga existing isolation and quarantine facilities natin. Ang Golden Oasys Hotel ay quarantine facilities para sa mga OFWs na umuuwi sa Baacoor. Ang Aliw Inn naman ay para sa mga suspected and probable patients,” saad ng alkalde.

“Sa ngayon ay inaayos na natin ang additional isolation and quarantine facilities natin sa Southern Tagalog Regional Hospital na magkakaroon ng karagdagang 50 beds habang may 20 isolation rooms na gawa sa mga containers,” dagdag ni Mayor Revilla.

Inaasahan na magkaroon ng dagdag na lakas na loob ang mga pasyente sa lungsod dahil sa pagmamalakasakit hindi lamang ng lokal na pamahalaan pati na rin ang kapwa nilang mga kababayang Bacooreño.