Kung si Defense Sec. Delfin Lorenzana raw ang tatanungin, matagal na dapat iginiit ng Pilipinas sa China ang hatol ng Arbitral Tribunal sa West Philippine Sea.
Sa pagdalo ng kalihim sa hearing ng House Committee on Appropriations para sa budget ng Department of National Defense, sinabi ni Lorenzana na magandang pagkakataon ang nakatakdang pagpupulong ni Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping ngayong buwan.
Kung maaalala, taong 2016 nang manalo ang Pilipinas laban sa umano’y “nine-dash line” claim ng Beijing.
Ibig sabihin solo ng estado ang exclusive sovereign rights sa naturang bahagi ng karagatan.
Sa nakalipas na mga buwan naulat ang iba’t-ibang aktibidad ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kabilang dito ang presensya malapit sa Pag-asa Island at pagdaan sa Sibutu Strait, Tawi-Tawi.
Nagbunsod ito ng utos ni Duterte sa foreign vessels na kumuha ng clearance bago dumaan sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Una ng sinabi ng Malacanang na posibleng ilapit ng pangulo sa kanyang pulong kay Xi ang hatol ng Permanent Court of Arbitration sa West Philippine Sea.