Ibinida ng Department of National Defense (DND) ang kanilang mga napagtagumpayan sa loob ng anim na taon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sa ilalim ng Duterte administration naisulong ang professionalization, modernization at development ng defense sector.
Ito’y para protektahan ang interes ng bansa at epektibong matugunan ang iba’t-ibang mga hamon na panloob at panlabas.
Ayon kay Lorenzana, kasama sa mga malaking hamon na kanilang kinaharap ay ang banta ng communist insurgency at violent extremism.
Sa pamamagitan umano ng Armed Forces of the Philippines, napanatili ang kanilang operasyon sa pagpapahina ng communist terrorist group.
Base sa datos, mula 2016, libu-libong rebelde at knilang mga taga suporta ang napasuko ng pamahalaan na nagpahina sa kanilang ground-level support.
Samantala, maliban sa pagtitiyak ng internal stability, sinabi ni Lorenzana na naging prayoridad nila ngayon ang international defense at security engagements sa mga security partner lalo na sa Asia-Pacific region.
Lumakas anya ang external defense operations ng bansa dahil sa pagbabantay sa strategic border-areas at exclusive economic zone sa pamamagitan ng maigting na patrolya.
Dahil sa mga bagay na ito, umaasa ang DND na magtutuloy-tuloy ito sa susunod na administrasyon para mas mapalakas pa at mapaghusay ang kakayahang pandepensa ng bansa.