-- Advertisements --
image 129

Binigyang diin ng Department of Tourism (DOT) na ang London advertisment na “We give the world our best,” ay isang country branding campaign na nilalayong parangalan ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa ibang bansa.

Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang bagong slogan ng turismo ng Pilipinas ay ihahanay sa kampanya ngunit hindi direktang kinumpirma kung ito ay susunod sa parehong eksaktong linya.

Aniya, pagpapahusayin pa ng departamento ang umiiral na slogan sa pakikipag-usap sa mga stakeholder, at sisiguraduhin na ito ay ganap na naaayon sa branding ng bansa para sa Pilipinas.

Dagdag dito, ang ad campaign na “We give the world our best— The Philippines” ay unang inilunsad sa United Kingdom.

Sinabi ni Frasco na ito ay isang inisyatiba ng Malacañang na isinagawa ng Office of the Presidential Adviser for Creative Communications Secretary Paul Soriano upang itanghal sa mundo ang pinakamahusay na maiaalok ng Pilipinas at para parangalan ang mga OFW.

Giit pa ng opisyal na ang branding ay nagsisilbi rin sa layunin ng pag-akit ng mga turista dahil ipinapakita nito na ang Pilipinas ay inilalagay ang pinakamahusay na pagpapakita nito bilang isang bansa.