NAGA CITY – Patay ang isang lolo matapos na aksidenteng malunod sa Isla Verde, Barangay 4, Mercedes, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Marcial Cabela, 62-anyos, isang nipa maker at residente ng Purok 2, Barangay Hinampacan, Basud, Camarines Norte.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) napag-alaman na sakay ng isang bangka ang biktima ng tumawid umano ito sa Catandunganon at Daet river sa kabila ng mataas na level ng tubig.
Nabatid na maghahatid lamang sana umano ng kanyang produktong nipa ang biktima sa regular client nito sa Mercedes fish port ngunit hindi na nito nagawa pang makaabot sa nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, posibleng habang nasa kalagitnaan ng kanyang byahe ng mahirapan umano itong huminga at aksidenteng nahulog sa tubig.
Kaugnay nito natagpuang wala ng buhay ang katawan ng biktima sa puno ng mga bakawan sa Isla Verde.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigsyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.