LEGAZPI CITY — Sa kulungan ang bagsak ng isang 67-anyos na lolo matapos na maaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Gadgaron, Matnog, Sorsogon.

Arestado si Anatolio Trinidad na tubong San Vicente, Northern Samar at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Bon-ot, (Small) sa Matnog.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Maj. Jose Michael Aurelio, hepe ng Matnog Municipal Police, isang ka-barangay din umano ng suspek ang nag-tip sa mga otoridad ng pagdadala ng iligal na droga ni Trinidad na itataon sa kapistahan sa lugar.

Pumunta pa umano sa Cavite ang suspek upang kumuha ng illegal drugs kung saan inabangan na ito ng mga operatiba sa pagbaba pa lang nito ng bus terminal.

Agad na hinuli ang suspek nang magpositibo sa ikinasang operasyon sa pagbebenta ng nasabing iligal na droga.

Ayon kay Aurelio, newly-identified drug personality si Trinidad at ilang buwan pa lamang nananatili sa lugar.

Napag-alamang tagagawa ng bangka ang suspek at nais sanang idagdag sa kapital ang kita sa pagbebenta ng iligal na droga.

Sa ngayon, inaalam pa ang kabuuang halaga ng nakumpiskang tatlong sachet ng suspected shabu.