KALIBO, Aklan – Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang 65-anyos na lola na pinapaniwalaang miyembro ng budol-budol gang na nambiktima ng mga negosyante sa bayan ng Kalibo at Numancia sa Aklan.

Kinilala ni Police Staff Sgt. Felizardo Navarra, Jr. ng Numancia Police Station ang suspek ay si Felomina Punzalan Fuentes, residente ng Brgy. Poblacion, Tangalan, Aklan.

Nasa P300,000 ang natangay ng suspek sa iba’t ibang mga negosyante gamit ang talbog na tseke.

Sinasabing bumili ito ng 35 sako ng bigas na nagkakahalaga ng mahigit sa P68,000; 700 tray ng itlog na umabot sa P118,000; mga electrical supply sa isang hardware na nasa P80,000; food supplement na umabot sa P62,000 at isang iba’t ibang frozen foods na nagkakahalaga ng P25,000.

Maliban dito, umalis ang grupo ng walang paalam sa nirentahang warehouse na hindi nakabayad.

-- Advertisement --

Muling nagpaalala ang mga otoridad sa mga negosyante na iwasang makipag-transaksiyon sa mga hindi kilala lalo pa kung ang gamit nila ay tseke.